Children’s Emergency Relief and Protection Act (Republic Act No. 10821)

815

PNoy’s Speech at the Ceremonial Enactment of Children’s Emergency Relief and Protection Act (Republic Act No. 10821) – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Ceremonial Enactment of Republic Act No. 10821 or Children’s Emergency Relief and Protection Act, Rizal Ceremonial Hall, Malacanang.

Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III. – Pangulo ng Pilipinas sa Presidential Enactment Ceremony ng Children’s Emergency Relief and Protection Act (Republic Act No. 10821)

[Inihayag sa Rizal Hall, Malacañan Palace, noong ika-18 ng Mayo 2016]

Hanggang sa mga huling sandali ng pagbagtas natin sa Daang Matuwid, narito po tayo at ang inyong gobyerno, nakatutok sa pagtutupad ng isang panata: Ipamana ang isang Pilipinas na di hamak na mas maganda kaysa sa ating dinatnan.

Ngayong umaga, nilagdaan natin ang Children’s Emergency Relief and Protection Act, na nagsimula bilang Senate Bill No. 3034. Layunin ng batas na ito na magbuo ng isang komprehensibo at malawakang plano para siguruhing mapapangalagaan ang kapakanan ng kabataang Pilipinong apektado ng kalamidad, sakuna, at ng iba pang di inaasahang mga pangyayari. Alam naman kasi natin: Sa mga pagkakataong ito, kabataan ang pinaka-nanganganib ang kalagayan dahil talagang wala silang kalaban-laban.

Kung tutuusin po, lahat ng probisyong nakapaloob sa batas na ito, ginagawa na natin bilang bahagi ng ating stratehiya sa disaster risk reduction and management. Ang punto lang: Gawing pormal ang mga hakbang at proseso; higit na mabigyang-lakas ang iba’t ibang sektor ng pamahalaan, at gawing mas maliwanag ang kani-kanilang mga atas at pananagutan. Bukod dito, hangad din nating maging pundasyon at pamantayan ng batas na ito sa pangangalaga sa kabataang Pilipino, sinuman ang nakaupo sa puwesto.

Ngayon, lalong tumitibay ang mandato ng lokal at pambansang pamahalaan na magtayo ng child-friendly spaces, evacuation centers, transitional shelters na may pasilidad para sa mga pangangailangan ng kabataan, pati na ng mga nagdadalantao. Saklaw din nito pagtitiyak na matutugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain at damit, pati na rin ng edukasyon at serbisyong-medikal. Paiigtingin din nito ang pagbabantay sa seguridad at kaligtasan ng kabataan. Magsasagawa tayo ng child-responsive training program para sa lahat ng responders sa mga lugar na pinangyayarihan ng kalamidad. Sa paraang ito, ang pagtutok sa kaligtasan ng kabataan, magiging prayoridad na rin sa emergency response training ng ating NDRRMC agency members.

Lahat naman po ng ito, iisa lang ang pinupunto: Kapanatagan. Ang nais natin, nasaan man tayo naroon—ako man, na nasa Times o sa Tarlac bilang isa nang pribadong mamamayan, o ang mga magulang man na araw-araw nagbabanat ng buto sa kani-kanilang trabaho para sa pamilya—kapag may parating na kalamidad, sakuna, o di-inaasahang pangyayari, ay panatag ang loob, dahil alam nilang nariyan ang gobyerno, nakatutok sa buhay at kapakanan ng kanilang mga anak, at ng kabataang Pilipino. Sa panahon ng kawalang-katiyakan, tunay na walang maiiwan, lalo na ang mga kabataang pinaka-nangangailangan.

Siyempre po, kinikilala natin ang bawat isang indibidwal at organisasyong nagkapit-bisig para maabot natin ang araw na ito. Sa mga butihin nating kasamahan sa Kamara at sa Senado na nag-akda at sinikap maipasa ang panukalang batas na ito, partikular na sina Congresswoman Susan Yap at Senadora Miriam Defensor-Santiago, at Senador Bam Aquino na principal authors nito. Sa mga ahensya ng gobyerno, Non-Government Organizations, at mga katuwang sa pribadong sektor; sa mga bumubuo ng Save the Children Philippines, sa pangunguna ni Ginoong Ned Olney, na ilang dekada nang umaaruga sa mga kabataan, di lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Sa ngalan ng bawat kabataang Pinoy na maaaruga ninyo sa batas na ito: Maraming, maraming salamat po.

Patapos na nga po ang ating termino. Forty-three days na lang, bababa na tayo sa puwesto. Sa kabila nito, nakita niyo naman po, tuloy-tuloy lang tayo sa ating trabaho. Sinasagad natin ang bawat pagkakataong makapaglingkod sa ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino.

Ang masasabi ko po, sa darating na ika-30 ng Hunyo, pagpalo ng alas-dose ng tanghali, matiwasay tayong makakababa sa puwesto, makakalingon nang taas-noo sa sambayanang Pilipino, at mata sa matang masasabi: Tumotoo ako sa inyo. Tumupad ako sa mandatong kaloob ng aking mga Boss. Tunay nating maipapamana sa susunod na henerasyon ang isang Pilipinas na di hamak na mas maganda kaysa sa atin pong dinatnan; at nagawa natin ito, dahil nagtulungan tayo, inangat natin ang isa’t isa, at inuna natin ang ating kapwa at bayan, bago ang sariling kapakakan.

Hanggang sa huli po: Isang karangalan para sa isang Noynoy Aquino ang makapaglingkod sa isang dakilang lahi, sa aking mga Boss, sa inyo, ang sambayanang Pilipino.

Maraming salamat po. Magandang araw po sa inyong lahat.

Source: gov.ph